November 3, 2025

Pilipinas: Ang Pagmimina ng Nickel ay Nagdudulot ng Pag-abuso, Nagpapalala ng Panganib sa Klima

Ang mga pang-aabuso sa mga supply chain ng transition mineral ay sumisira sa kredibilidad ng energy transition

(Maynila, Nobyembre 4, 2025) — Ang pamahalaan ng Pilipinas, mga kumpanya ng pagmimina ng nickel, at mga gumagamit ng nickel sa para sa iba’t ibang produkto, kabilang ang mga kumpanya ng de-kuryenteng sasakyan (electric vehicles) at baterya, ay dapat gumawa ng agarang hakbang upang maiwasan at malunasan ang pagkasira ng kalikasan at mga paglabag sa karapatang pantao na dulot nang pagmimina ng nickel, ayon sa bagong ulat at video na inilabas ngayon ng Climate Rights International. Ang Pilipinas ang ikalawang pinakamalaking prodyuser ng nickel at nangungunang importer ng hilaw na nickel ore sa buong mundo, isang mineral na ginagamit sa mga baterya para sa mga de-kuryenteng sasakyan at pag-iimbak ng enerhiya.

Sa 125-pahinang ulat na Broken Promises:” Philippines Nickel Mining Causes Rights Abuses and Increases Climate Vulnerability,” nakapanayam ng Climate Rights International ang 57 residente at manggagawa na nakatira malapit sa mga minahan ng nickel sa Dinagat Island at Surigao del Sur sa Caraga Region ng Mindanao, ang sentro ng industriya ng pagmimina sa Pilipinas. Ang Caraga ay may 23 minahan ng nickel, higit sa anumang rehiyon sa Pilipinas. Iniulat ng mga miyembro ng mga komunidad ang paglala ng krisis sa klima na may kaugnayan sa pagmimina; ang pagkawasak ng mga kabuhayan sa pangingisda at pagsasaka; matinding polusyon sa kapaligiran na nagbabanta sa inuming tubig at kalusugan; pagtaas ng antas ng kawalan ng seguridad sa pagkain; mga bagong kahirapan sa pagkamit ng edukasyon; kakulangan ng pananagutan para sa mga pinsala; at mga pag-atake, pagpatay, kriminalisasyon, at pananakot sa mga kritiko, kabilang ang mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao.

Nauna nang nag-ulat ang Climate Rights International tungkol sa mga katulad na paglabag sa karapatang pantao, pinsala sa kalikasan, at pinsala sa klima na may kaugnayan sa pagmimina at pagpoproseso ng nickel sa Indonesia. Ang mga dayuhang kumpanya na nakikinabang mula sa supply chain ng nickel ay hindi sapat ang ginawa upang tugunan ang mga dokumentadong pinsala at pang-aabuso.

“Mahalaga ang nickel para sa tinatawag na renewable energy transition o ang paggamit ng nababagong enerhiya, ngunit sa Pilipinas, sinisira ng pagmimina ng nickel ang kabuhayan ng mangingisda at magsasaka, nagdudulot ng kawalan ng seguridad sa pagkain, at nagiging sanhi ng mapanganib na polusyon sa inuming tubig,” sabi ni Krista Shennum, mananaliksik sa Climate Rights International. “Ang mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao ay nakakaranas ng pag-atake, kriminalisasyon, at maging kamatayan dahil sa pagsasalita laban sa mina. Kailangang unahin ng gobyerno ng Pilipinas ang mga karapatan at kapakanan ng mga komunidad na nahahagip ng pagmimina— sila na walang kinalaman sa krisis sa klima—sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga kumpanya sa mga pang-aabuso at pinsalang pangkalikasan.”

Pagkasira ng Kalikasan at Paglabag sa Karapatang Pantao

Ang pagmimina ng nickel ay ginagawang mas delikado ang kalagayan ng mga lokal na komunidad at nagiging mas madali silang mapinsala ng mga epekto ng climate change, kabilang ang matinding mga pagbabago ng panahon. Ang pagmimina ng nickel ay nagiging sanhi ng pagkakalbo ng kagubatan at pagkawala ng mga uri ng hayop na nagbibigay ng katatagan sa klima, tulad ng mga kagubatan sa lupa at bakawan. Kapag nakakalbo ang kagubatan, ang carbon na nakaimbak sa mga halaman at sa lupa ay maaaring mapalabas sa atmospera, na ginagawang dahilan ng emisyon ang dating carbon sink. Inilarawan ng mga residente sa Tubajon, Dinagat Island sa Mindanao kung paano naging mas madaling pinasalain ang kanilang mga komunidad ng storm surges o daluyong, malalakas na hangin, at pagbaha tuwing may matinding panahon tulad ng mapaminsalang Super Typhoon Odette noong 2021 dahil sa pagkawala ng mga kagubatan at bakawan dulot ng operasyon ng pagmimina at polusyon na may kaugnayan sa pagmimina.

Para sa mga komunidad na matagal nang nabubuhay sa pangingisda, ang polusyon mula sa pagmimina ng nickel ay nagiging malaking banta sa kanilang pamumuhay. Sa Dinagat Island at Surigao del Sur, inilarawan ng mga mangingisdang nakapanayam ng Climate Rights International kung paanong ang polusyon sa tubig mula sa mga lugar ng pagmimina ay nakapinsala sa pangisdaan at nagpahirap sa mga tao na magpatuloy sa pangingisda.

Sa buong rehiyon, inilarawan ng mga magsasaka kung paanong naging mas mahirap ang pagsasaka dahil sa pagmimina, at sa ilang kaso ay naging imposible pa nga, dahil sa pagkawala ng kanilang mga lupang sakahan, madalas na pagbaha ng mga bukirin mula sa mga ilog na barado ng pagmimina, at polusyon sa alikabok at tubig mula sa mga kalapit na aktibidad sa pagmimina. Ang bigas, ang pinakamahalagang pangunahing pagkain sa rehiyon, ay partikular na apektado dahil ito ay itinatanim sa mga lugar na mababa at madaling bahain at mapunan ng putik.

Ang masamang gawi sa pagmimina sa Pilipinas ay banta sa pangunahing karapatan sa pagkain. Ang polusyon mula sa pagmimina ng nickel at ang negatibong epekto nito sa kabuhayan ay nagpapahirap sa maraming pamilya na pakainin ang kanilang sarili. Ayon kay Analiza, isang 46-taong-gulang na ina ng apat na anak mula sa Tubajon, Dinagat Island, “Mahirap na ngayon pakainin ang aking pamilya. Karamihan sa oras ay gutom kami.

Ang pagmimina ng nickel sa Rehiyon ng Caraga ay nagdudumi rin sa mahahalagang pinagkukunan ng tubig na inaasahan ng mga residente para sa kanilang inumin. Inilarawan ng mga residente sa Isla ng Dinagat kung paano nagkaroon ng polusyon sa kanilang inuming tubig dahil sa paglala ng siltasyon at pag-agos mula sa mga operasyon ng pagmimina. Sinabi ng mga residente na nakatira malapit sa mga minahan ng nickel sa Dinagat Island at Surigao del Sur sa Climate Rights International na nag-aalala sila na ang mga kamakailang nagkaroon ng problema sa kalusugan, kabilang ang mga sakit sa paghinga at balat, ay may kaugnayan sa polusyon mula sa mga kalapit na minahan.

Ang Pilipinas ang pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga tagapagtanggol ng lupa at kapaligiran. Maraming tao na kinapanayam ng Climate Rights International ang nag-ulat na may kilala silang mga indibidwal na sa tingin nila ay pinatay dahil sa kanilang mga aktibidad laban sa pagmimina, o kaya naman ay nakaranas mismo ng pag-atake, panliligalig, o pananakot. Ang ilang indibidwal sa Rehiyon ng Caraga at sa buong Pilipinas na humamon sa mga kumpanya ng pagmimina ay nahaharap sa Strategic Lawsuits Against Public Participation (SLAPPs) na sa tingin nila ay naglalayong patahimikin ang kanilang aktibismo.

Sa kabila ng yamang nakuha ng mga  kumpanya mula sa kanilang operasyon ng pagmimina ng nickel, iniulat ng ilang residente sa Isla ng Dinagat na hindi sila nakatanggap ng sapat na kabayaran para sa paggamit ng kanilang lupa, pagkasira ng kanilang mga pananim, o paggamit ng kanilang mga bahay at iba pang istruktura.

“Ang mga taong nakatira sa mga komunidad ng pagmimina ay nahaharap sa malaking pinsala mula sa makapangyarihang mga kumpanya na kumikilos nang halos walang kaparusahan,” sabi ni Shennum. Bilang isa sa mga bansang pinakaapektado ng krisis sa klima, dapat na nakatuon ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpapanagot sa mga kumpanya at pagtiyak na hindi lalong nagpapalala ang industriya ng nickel sa mga epekto ng climate change sa mga lokal na komunidad.

Pananagutan ng Gobyerno at Korporasyon

Ang pangkalahatang kakulangan ng transparency ng maraming kumpanya ng pagmimina ay nakakaapekto sa kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at komunidad na aktibong lumahok sa pag-apruba ng mga proyekto sa pagmimina o sa pagbigay-pansin sa mga epekto ng pagmimina. Sa kabila ng patuloy na reklamo mula sa mga lokal na komunidad, ang mga direktang apektado ay walang pananagutan at walang lunas para sa mga pinsalang kanilang natamo.

Hinikayat ng Climate Rights International ang pamahalaan ng Pilipinas, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources at ang Mines and Geosciences Bureau na lubos na ipatupad at palakasin ang mga batas at regulasyon upang mabawasan ang epekto ng pagmimina ng nickel sa mga komunidad. Dapat nang agarang itigil ng gobyerno ang pagbibigay ng permit para sa mga bagong minahan hanggang sa matugunan ng industriya ang mga pamantayang pangkalikasan sa loob at labas ng bansa, kabilang na ang pamamahala sa mga basura mula sa pagmimina.

Ang mga pinsala sa mga lokal na komunidad at sa kapaligiran ay dulot ng indibidwal at pinagsama-samang gawain ng mga proyektong ito sa pagmimina ng nickel, ayon sa Climate Rights International. Maraming kumpanya ng pagmimina ng nikel sa Rehiyon ng Caraga ang may ugnayan sa mga makapangyarihang indibidwal sa Pilipinas, kabilang ang mga aktibo at dating politiko, mga pamilyang may koneksyon sa politika, at mayayamang negosyante. Dapat agad na gumawa ng mga hakbang ang mga kumpanya ng nickel upang solusyunan ang polusyon sa tubig at hangin na dulot ng kanilang operasyon at maayos na itapon ang basura mula sa minahan upang mabawasan ang polusyon sa kapaligiran.

Ang mga kumpanya ng de-kuryenteng sasakyan at baterya na direkta o hindi direktang kumukuha ng nickel mula sa Pilipinas ay dapat gamitin ang kanilang impluwensya upang tiyakin na wakasan at ayusin ng mga supplier ang mga paglabag sa karapatan, linisin ang polusyon sa tubig at hangin, at protektahan ang mga karapatan ng mga tagapagtanggol ng kapaligiran at karapatang pantao, ayon sa Climate Rights International. Dapat ding dagdagan ng mga kumpanya ng de-kuryenteng sasakyan ang transparency sa pamamagitan ng pagbibigay ng pampublikong impormasyon tungkol sa lahat ng kumpanya sa kanilang supply chain ng transition mineral.

“Ang mga kumpanya ng de-kuryenteng sasakyan at baterya ay may natatanging kapangyarihan upang hilingin na linisin ng industriya ng pagmimina ang kanilang gawain,” sabi ni Shennum. Ang kanilang mga customer ay may kamalayan sa kalikasan at magpapasya na bumili mula sa mga kumpanyang may pinakamalinis na rekord. Kung nais ng mga kumpanya ng EV na maging pandaigdigang pinuno sa paglaban sa krisis sa klima, dapat nilang hilingin sa mga kumpanya ng pagmimina sa kanilang mga supply chain na igalang ang mga karapatan ng mga komunidad at itigil ang mga gawaing nakakasira sa kapaligiran.

Litrato sa kober: Malinao, Tubajon, Isala sa Dinagat, Oktubre 2025. Credit: Erwin Mascariñas alang sa Climate Rights International.

Like this article?

Share on Facebook
Share on X
Share by Email

Related Articles

RelatedArticles